Ako ito…
Mahirap idescribe ang sarili mo… mahirap kasi di pwedeng makapagsulat ka ng bagay na maaring magpaangat sa iyong pagkatao…at higit sa lahat mahirap ilabas ang sarili mong kapintasan…lalong lalo na kung magmumula mismo sa iyo… Hanga nga ako dun sa mga taong nakakapagsulat ng kanilang autobiograhy eh…Biruin mo nagagawa nilang isulat ang laman ng aklat ng kanilang buhay, ng walang masyadong yabang, walang masyadong pagpapaawa..
Para madescribe ang sarili ko..nagtanung-tanong ang kagandahan ko sa mga taong nasa paligid ko…at dahil nais kong malaman ang aking panlabas na kaanyuan tinanong ko sila kung maganda ba ang kagandahan ko…
Una kong tinanong ang mahal kong ina, isang umaga bago ako pumasok sa aking trabaho, nakita ko siyang nagluluto ng aming agahan. Lumapit ako sa kanya at malambing ko siyang tinanong. “Ma, maganda ba ako?”… natigil sa kanyang ginagawa ang aking ina, at walang alintanang sinabi, “OO naman anak”…
Bunsod ng aking kagalakan sa nadinig na papuri, maligaya akong pumasok sa aking trabaho…
Kinabukasan, naabutan ko naman ang aking ama sa aming kusina, nagbabasa-basa ng diyaryo, papaalis na papuntang trabaho… Nilapitan ko siya at tinanong, “Pa, pwede bang magtanong?”, natigilan siya sandali at tumango, “Maganda ba ako?”. Tiningnan ako ng aking ama at tuluyan nang itinigil ang pagbabasa. Lumapit siya sa akin at pinatong ang kamay sa kamay kong nakapatong sa mesa. “Anak, matalino ka… masuwerte kami ng iyong ina…dahil nagkaroon kami ng isang anak na kagaya mo”. Tumingin siya sa akin at sinabi, “hindi nasayang ang mga panahon ng aming paghihirap.. yung mga gabing hindi kami makatulog sa kababantay sayo… hindi kami nagkamali sa pagpapalaki sayo”. Pagkatapos ay tumingin siya sa kanyang relos at nagsabing, “Late na ako anak.. alis na ako…”, at humalik sa aking noo. Naiiyak ako ng mga panahong yun. Hindi pa ako pinuri ng tatay ko ng katulad nun. Ngunit naisip ko na tila di niya nasagot ang tanong ko… at pumasok na naman ako sa aking hanap-buhay…
Kinagabihan, biyernes nun…nakita ko ang kapatid ko na tila hayok na hayok na naglalaro sa aming computer… Hawak ang mouse na tila yaon na ang kanyang buhay.. Lumapit ako sa kanya, tama nga ang hinala ko..naglalaro siya ng Solittaire *sana tama ang spelling ko*…Pagkatapos ng isang madugong paglilipat ng mga baraha na may dalawang kulay at labingapat na klase, tinanong ko ang kapatid ko, “Kapatid, maganda ba ako?”. Natigilan ang kapatid ko, tumingin sa akin mula ulo hanggang paa..mula paa hanggang ulo… mga limang ulit…Tumayo siya at niyakap ako sabay sabing, “Mahal kita ate,,,tandaan mo yan”. Pagkasabi nyaon ay umalis na siya para manood ng paborito niyang palabas.
At hindi na naman nasagot ang katanungan ko…
Kinabukasan, sabado, walang pasok, pahinga ang kagandahan ko… Nakita ko ang kapit-bahay namin na halos kaedad ko, tinanong ko siya, “Kapit-bahay, maganda ba ako?”, natigalgal siya at nagsabing, “Sandali lang ha, may kukunin lang ako…”, paglabas niya may dala-dala na siya… at ayun sa nabasa ko…ang nakasulat sa aklat na dala niya ay, Diksyunaryong Pilipino-Pilipino, Hinanap niya ang salitang ganda, binasa, sinara ang aklat, tumingin sa akin. Pagkatapos ay binuksan ulit ang aklat, binasa at tumingin sa akin… Mga makailang ulit niyang ginawa ang mga nasabing gawain…Makalipas ang ilang sandali, lumapit siya sa akin at sinabing, “Sandali lang tulungan ko munang gumawa ng assignment ang kapatid ko…”, at umalis na siya…leaving my perfect pouty lips on air…leaving my black long hair behind… at naisip ko… walang kapatid si kapit-bahay…
Hindi nasagot ang katanungan ko … walang nagsalita kundi ang aking mahal na ina..kung kaya’t yaon ang aking pinaniwalaan…
Lunes, pumasok ako sa aking trabaho, may natanggap akong 12 e-mails, ang isa ay galing sa aking kamag-aral noong kolehiyo…binuksan ko… at dun ko nakuha ang kasagutan…nagliwanag ang isip ko…namulat ako sa katotohanan:
Ang kagandahan ay Depende sa Katabi…
0 comments:
Post a Comment
:)