Thursday, December 23, 2010

Maligaya ba ang Pasko?

Posted by Binibining Alindogan at 12:09 AM 0 comments




Tayo na giliw, MAGSAMA na tayo,
Meron na tayong tinapay at keso…

Natigil ako bigla sa ginagawa ko nang magsimulang umatungal ang tatlo naming Aspin (asong pinoy) (Jha, 2009). Kaya nagmamadali akong naghanap ng baryang mabibigay sa tatlong batang gumagawa ng ingay sa labas.

Ayun, tumigil din sila.

Hindi na naman nagtagumpay si Grinch. Bakit naman kasi weak ang ginawang karakter ni Dr. Seuss. 

Sa gabing ito, maraming umiikot sa utak ko. 

Una, siguro nga panahon na para talagang isulong ng bonggang-bongga ang SEX education dito sa Pilipinas. Eh, papanong hindi, ang mga bagets, ultimo sa caroling, kitang-kita mo na na may bahid kamunduhuan… May tinapay at keso lang, aba nag-aaya nang magsama???

Pangalawa at huli, ilang tao kaya ngayon ang gustong makipag connive kay Grinch para hindi matuloy ang pasko? 

Sila na sobrang daming inaanak? Katulad ko – 20 ang inaanak ko.

Sila na walang natanggap at matatanggap na regalo – panawagan sa mga kaibigan ko…ahaha

Sila na malayo sa pamilya dahil sa trabaho? at sila na nawalan ng trabaho?

Sila na nawalan ng kabuhayan dahil sa sunog at ibang kalamidad?

Sila na naulila mahal sa buhay – kapatid, ina, ama, pinsan, kaibigan?

Sila na walang pambili ng bagong damit, sapatos at laruan?

At

Sila na walang mailagay sa kumakalam na sikmura?

Pero ganon talaga ang buhay…kahit na anong meron o wala o nawala sayo, ang mundo ay may axis – iikot at iikot pa rin ito. Sa kabila ng mga nagdaang pasakit at hinanakit na naranasan natin nitong 2010 – tuloy na tuloy pa rin ang pasko. May hamon man o wala sa hapag - tuloy pa rin ang pasko.

Birthday nga ng aso nasi-celebrate ng iba sa atin…birthday pa kaya Niya?

Happy Birthday Jesus…

Maligayang Pasko mga Kaalindog!!!

Wednesday, December 22, 2010

Exploratory Study: Gaano Kaganda si Binibining Alindogan?

Posted by Binibining Alindogan at 3:09 AM 1 comments

credit: GRE
Abstract

            Ang pag-aaral na ito ay sasalamin sa kaalindogan ni Bb. Alindogan sa perspektibo ng kanyang mga kaibigan at kakilala. Ito ay sasalamin kung saan nakukuha ni Bb. Alindogan ang tapang ng kanyang apog. Ito rin ay susukat kung gaano AKO kamahal. Bwahaha.
            Nagtext ako sa 30% ng mga entries sa phonebook ko o 50 katao, upang malaman kung ano nga ba ang naitutulong nga mga kasanggang dikit ko sa pagbuhog ng aking pagkatao.

Keyword List

Gaano, Kaganda, si, Binibining, Alindogan, Apog

Acknowledgement

            I would like to thank my family na support support sa napakahalagang pag-aaral na ito, na maaring makapagbigay ng malaking kontribusyon sa larangan ng siyensiya at Sibika at Kultura. Sa mga kaibigan at kapamilya ko na nagbigay ng time na sagutin ang tanong ko, at higit sa lahat kay Lord, for giving me strength and hope during those sleepless nights.

1.0 Introduction

            Gaano nga ba kaganda si Bb. Alindogan? Gaano nga ba ako kaganda? Ito ang mga tanong na matagal ko nang tinatanong. Well, since birth, consistent naman ang nanay ko sa pagsasabing maganda ako, hindi lang ako sure sa tatay at sa bunsong kapatid ko.
            Dahil bigo ako sa unang effort ko na alamin na talaga ang katotohanan – kinailangan ko nang hingin ang opinion ng iba’t-ibang mga tao.

1.1 Problem Theme

            In my 23 years of existence, tanong ko na sa sarili yan. Hindi naman sa wala akong tiwala sa nanay ko, kundi dahil gusto ko ng assurance.

1.2 Aims and Objectives

The main aim *wow…tugma…ang saya* of this study is to, ahm, err…to know…that..err… p%$@#$%, ang hirap… Well, ang pinakalayunin ng pag-aaral na to ay, malaman ko kung sino ang mga tunay kong kaibigan, na magpapataas ng tiwala ko sa sarili, at tunay na kaibigan na magsasabi ng totoo.

1.3 Significance of the Study

Simple lang…WALA

1.4 Scope and Limitations

Limitado lang sa isyu ko sa buhay.

2.0 Literature Review

            “Beauty is in the eye of the beholder” – meaning ang kagandahan nasa tumitingin. Sabi naman dun sa nauna kong pag-aaral sa kagandahan, ang kagandahan ay depende sa katabi.

            According to Kahlil Gibran, “beauty is not in the face; beauty is a light in the heart.” Sinuportuhan naman ito ni Simone Weil, nang sinabi niyang “beauty always promises, but never gives anything.”

            Ang pinakabongga ay ang sinabi ni Confucius – “everything has beauty, but not everyone sees it.”

            At dahil diyan bigla kong naalala ang kanta ni Mareng Christina Aguillera:
I am beautiful, no matter what they say words can’t bring me down…
Ooohhhh (kulot kulot)
            O ayan, pampaboost ng self-confidence, pampataas ng moral.

3.0 Methodology

            This study will be exploratory in nature. *ewan ko lang din kung ano yan…nakita ko lang sa Net. Bahala na…
            Kung gusto mong alamin, google mo na lang atcheng…

3.1 Data Collection

            Survey via SMS.

3.2 Data Processing

            Tally-tally lang po!

3.3 Ethical Consideration

Dahil sa ilang taon din naman akong sumailalim sa GMRC or Good Manners and Right Conduct, nararapat lang na magkaroon ako ng konsiderasyon sa kung ano man ang lalabas at ang mga proseso sa pag-aaral na to, walang pangalang babanggitin, kung ayaw ko…bwahaha…

4.0 Findings and Discussion

Kahapon, wala akong magawa, marami akong kailangang gawin, pero ewan ko wala akong makita para may magawa…Kung kaya naisipan kong gawin ang survey na magpapayaman sa Pinas, at dahil na rin Unli ako, naisipan ko itext ang mga pinakamalalapit sa akin ng mahiwagang katanugan Bakit ang Ganda ko???
At ito ang mga kasagutan nila.

Unang-unang sumagot ang pinsan ko, para sa akin, at para sa lahat, siya ang pinakamaganda, sa aming magpipinsan, sa parte ng nanay ko…sabi niya Ang Yabang Mo!!! Hindi ko maintindihan kung ano ang ibig niyang ipahiwatig, pero dahil sa fair ako, tinanggap ko yun bilang compliment. Ang saya…
Sunod na sumagot, ang isa sa mga best of friends ko, ang sagot niya, ang ganda…nakakatuwa..bestfriend ko talaga siya…sabi niya Because you have the Guts…ang saya…Ano yung guts??? Ahehe…pero ayos na yun..kahit guts lang ang meron at least meron…nagreply ako, sabi ko, naman… sumagot siya ulit, madami atang load, sabi niya o di ngayon alam mo na?, sabi ko oo, salamat, nagliwanag ang nandidilim kong utak…
Wala na ulit nagreply simula nun, nalungkot ako, paano ko itataguyod ang pag-aaral ko sa siyensiya at sibika at kultura kung yung mismong malalapit pa sa akin ang di nakikipagkaisa, at di nagbibigay ng suporta…
Hanggang maya-maya, sunod-sunod ang mga mensahe ko…

………………………………………

Pagtingin ko sa celphone ko, nakita ko, meron akong 26 messages, ang saya ko..ito na ang katuparan ng pangarap ko…pangarap para sa sarili ko, sa pamilya ko at maging sa bayan ko…pwedeng-pwede na akong makipag-eyeball kay Jose Rizal kapag naganap yun…

At ito ang tabulation ng mga mensahe nila…

Table 1 Results

Message
n
Hu u?
12
Sino ka?
4
Paano mo nakuha ang number ko?
2
Wala kang magawa? Maglaba ka…
1
Baliw ka ba?
5
Pasaload naman diyan, kahit dos lang
2
Total
26

Conclusion

Hindi ko nasagot ang dissertation, wala na ang pag-asa kong maging isang tanyag sa larangan ng agham at sibika at kultura. Wala nang pag-asa para naman mapasama siya sa mga online libraries na magbibigay sa akin ng maraming maraming pera.

Pero batay sa datos ko, ito ang aking conclusion (see table 1):

12 o 46% ang nagtitipid ng space sa text at hindi ako kilala.
4 o 15% ng mga nasendan ko ay mapagmahal sa sariling wika, pero di pa rin ako kilala…;
2 o 7% ng mga nasendan ko ay masyadong private na tao, at ayaw na basta-basta na lang malaman ng iba ang kanilang mga personal numbers;
1 o 3% ng mga nasendan ko ay masipag;
5 o 19% ng nasendan ko ay mga psychologist; at higit sa lahat
2 o 7% ng mga nasendan ko ay *kaw na ang humusga*…


Tuesday, December 21, 2010

Sa Mga Taong Gustong Magpasundo kay Kamatayan

Posted by Binibining Alindogan at 5:25 AM 1 comments

Ang buhay ng tao ay matatawag nating paaralan…at habang tayo ay nabubuhay…mananatili tayo sa loob nito…patuloy na natuto at nag-aaral, gamit ang kung anuman ang mga dinadanas at dadanasin na natin sa buhay…
Gaya ng sa tipikal na paaralan…meron tayong pagsusulit na dapat harapin sa buhay…ito ay ang mga problema na kinakaharap natin…merong quiz na araw-araw nating kinahaharap…maliliit na problema na pinagkikibit balikat lang natin…dahil naintindihan naman natin ang mga previous lesson…
Meron din namang mga surprise exam, na nagpapalamig sa ating katawan? bakit? kasi di natin alam kung paano haharapin at kung papanong malulusutan ang problema…Pero sa kabila ng lahat…pagkatapos ng isang araw…linggo…buwan…taon o dekada…masasagutan din natin to…
Pero meron talagang pagkakataon na kailangan nating harapin ang periodical, departmental o battery exam na susubok sa ating lakas at pananalig sa buhay…darating ang panahon na iisipin natin na sana’y sunduin na tayo sa paaralan…at walang ibang paraan kundi ang pangunahan ang nasa itaas at tawagin ang pinakamadaling paraan upang makatakas at makalaya sa paaralan na nagdudulot ng pasakit,luha,sakit at kung anuman na nagdudulot ng paulit-ulit na pagdugo at pagkamatay ng bawat himaymay ng kalamnan…pagkamanhid ng bawat selyula sa utak at nagpapahina sa kumukurap na apoy na sumisimbolo sa kagustuhang magpatuloy…magpatuloy na matuto…magpatuloy sa pagsasanay at magpatuloy pang kumuha ng iba’t-ibang klase ng pagsusulit…

ANYAYAHAN SI KAMATAYAN NA SUNDUIN KA NA…

si kamatayan na pinakamadaling paraan upang MAKATAKAS sa sakit at pasakit na nararanasan…
ngunit matuturing na pinakaduwag na paraan ng paglutas at pagsagot sa bawat pahina ng pagsusulit sa loob ng paaralan…

Mga Nagaganap sa Jeep

Posted by Binibining Alindogan at 5:19 AM 2 comments


Nakasakay ka na ba ng Jeep?

Kung hindi ang sagot mo ay NAMISS MO ANG KALAHATI NG BUHAY MO!!!

Bakit?

Kasi hindi mo naranasan na makalanghap ng sariwang hangin na sinamahan ng usok na nagmumula sa mga malalaki at maliliit na pabrika sa kamaynilaan, isama mo pa ang binubuga ng iba’t ibang klase ng sasakyan.
Dahil diyan, hindi nararanasang magexercise ang mga cillia mo sa ilong dahil sa hindi sila busy sa kakasala ng kung anu-ano aerborne micro-organism na maaring makasama sa baga mo..

Sa madaling salita, di mo naranasan na magulantang sa dumi at itim ng dumi sa ilong mo…

Di mo rin naranasang makasabay sa pang-araw-araw na masaya, malungkot, nakakainis at nakakatuwang tanawin ng mga ordinaryong tao, na bumubuo sa mayorya ng mga Pilipino dito sa Pilipinas…
at di mo nadanasan ang isa sa mga sagisag ng Pilipinas sa Mundo na nagpapakita di lamang ng kultura natin, kung hindi ng pagiging likas na malikhain at matalino ng mga Pinoy…

Sa kabilang banda naman…Kung OO ang sagot mo…eh may kabuntot ka namang kamalasan…

Bakit kamo???

Unang-una, naranasan mong magbayad sa driver tapos di ka sinuklian…

Pangalawa, nakasakay ka sa jeep na ubod ng suwapang ang driver, at bawat kanto ay hihintuan para maka-pick-up ng pasahero…at dahil diyan malilate ka…o kaya nama’y sobrang late na late ka na…

pangatlo, may mga nakakasabay kang mga estudyante, lalong-lalo na yung mga HS students na sobrang ingay sa jeep, *bakit ko alam? ganyan ako dati,,,ay…gang ngayon pala*

pang-apat, meron kang mga nakakasabay na mga pasahero, lalong-lalo na yung mga lalaki na halos sakupin na yung buong pang-siyaman na upuan dahil sa laki ng kanilang pagkakabukaka…*kung bakit? ewan ko sa kanila*

pang-lima, meron kang makakasabay na mga pasahero na hindi mo malaman kung ano ang ginawa kagabi, kung galing ba sa party, nag-inuman, nagvideoke, nag-night swimming, nag case study, feasibility study at kung anu-ano pang dahilan para magpuyat, na nananaginip na ang katabi niya ay unan. Sila yung mga super tulog sa jeep, di namamalayan na basa na yung balikat ng katabi nila dahil sa laway nila…

pang-anim, magkakaroon ng pagkakataon na matutulungan kang maboost ang self-confidence mo, sa negatibong paraan…bakit? kasi may mga MAMA kang makakasabay na pipiliting mahipuan o magawan ka ng kung anumang kahalayan…yung mga manong na pasimpleng pa-obvious sa pagdapo ng kamay, siko at palad nila sa kung anumang parte ng katawan mo…

pang-pito, meron kang makakasabay na tao na ayaw magpaabot ng bayad…yun bang tipong parang diring-diring sa pera na iaabot mo…yung tipo ng pasahero na gusto mong sigawan at sabihan ng “Hoy Magtaxi ka na lang”…

sa kabilang banda naman meron ding mga pasaherong ang hilig magpaabot ng bayad kahit na ba alam niyang ang layo din nung papaabutan niya…Halimbawa…dalawa lang kayong sakay, tapos may space sa pagitan mo at sa panghuling upuan sa may istribo, pipilitin niyang sumingit dun, tapos papaabot yung bayad. Yung tipo na ginawa kang messenger papunta ka Manong Driver.

pang-walo, magugulat ka na lang dahil may biglang may hahaplos sa paa mo, bata or binatilyo o dalagita na magpupunas ng paa mo para manghingi ng limos. O kaya naman ay sobre ang iaabot sayo para sabihin na kailangan nila ng tulong at kung anu-ano pa…

pang-siyam, may makakasabay kang kamag-anak, kapit-bahay at mga kakilala na ililibre mo sa pamasahe…
at pang-sampu,

may makakatabi ka na kakapa-kapa sa bag mo…lalaslasin ito…dala-dala ang wallet mo na laman ang isang linggo mong allowance, pati na rin ang cellphone mo na pinagipunan mo ng isang taon o kaya nama’y regalo sayo ng nanay at tatay mo…

T_T…



Ako Ito Part II - Kabutihan ng Puso

Posted by Binibining Alindogan at 12:32 AM 0 comments

Simula bata pa lang ako…lagi ko nang tinatanong sa sarili ko kung ano ba talaga ang tunay na basehan para makarating ako sa langit…
Well…namulat tayong lahat sa pangaral ng mga kastila…lalong lalo na ang mga prayle at ang simbahan…na kung saan sinasabi na dapat kang maging mabait at maging kapita-pitagan sa Diyos para tanggapin ka niya sa kanyang kaharian…
Isang araw bigla ko na lang naitanong sa sarili ko kung kapag namatay ba ako ay sa langit ako pupulutin…
sabi nila kailangan daw madami kang nagawang kabutihan dito sa lupa…at higit sa lahat dapat na iwasan daw ang mga makasalanan at maduming gawain…
Makikita natin sa lahat ng klase ng medya katulad ng nobela, komiks, telebisyon at iba pa na ang laging tema ng kwento ay umiikot sa pudpod na ang kasamaan ay di nagwawagi laban sa kabutihan…
Ewan ko lang ah…pero kasi lahat ng bida..ke babae man o lalaki ay palaging panig sa katotohanan..kapag babae…yung tipong walang bahid dungis..laging nananalig sa Diyos…at saksakan ng linis ng puso…Kapag lalaki naman eh matapang pero may takot sa Diyos at paggalang sa matatanda…
Ang problema ko di ako ganon…
Di ako mahinhin…may bahid ako ng kasamaan…
At higit sa lahat ang ganda ko (ayun na…huwag magsisinungaling)…
Madami akong mga kalokohan at mga kasalanan..maliit man o malaki…
Unang-una, nagawa ko nang mangupit sa nanay ko…
naalala ko noon…nawala ko yung ipit na butterfly na bili niya sa akin…
* sa mga kasabayan ko na humanga sa mga accessories na pauso ni Jolina M. malamang alam nyo yun..yung butterfly na gumagalaw… yung tipong hapang naglalakad ka eh feeling mo bulaklak ka at may nakadapo sayong paru-paro…*
sa takot ko na mapagalitan ng nanay ko at makurot sa singit..eh nagawa ko mangupit ng 30 pesos sa bulsa ng pantalon niya..na nakasabit sa pinto ng aparador nilang dalawa ni papa…
masuwerte lang at di niya ako nahuli…at di niya napansin na iba na yung itsura nung ipit ko…
di na ko makakita ng repleka…
Nagawa ko na ding mangupit sa tindahan ng kapit-bahay namin…
*buti na lang di marunong magcomputer si Aling *toot toot**
Naalala ko nun…alas-dos ng hapon…
bumili ako ng yema…ang binili ko 3 lang…pero self-service dun..ang kinuha ko 4…
graveh ang sama-sama ko…nakokonsensiya ako…
Minsan nagawa ko na ding hindi magbayad sa jeep…*o wag nyo naman akong masyadong husgahan…di naman sinasadya yun…pareho naman kami ng klasmeyt ko eh…Melaine…alam mo yan…*
graveh…naalala ko lang yun kinabukasan…nung pinaalala na lang sa akin ni mel…
nakakahiya…buti na lang mabait yung manong driver at di kami pinahiya ng bonggang bongga…
*kung nasan ka man manong..I lab yu…
Nung elementary ako..nagawa ko na ding mambully ng mga kaklase ko…
yung iba kong kaklaseng lalaki ay sinusuntok ko…
*hello vernan, john 2x…at christian…*
isa pa nagawa ko na ding iframe-up yung klasmeyt ko na si Simoun…
nilagyan ko ng panty liner yung bag niya…
tapos dahil masama ang ugali ko…
nanghiram ako ng lapis kunwari…
tapos pinagwagay-wayan ko yung pantyliner sa mga klasmeyt namin…
*sorry Simoun*
Hindi rin naman masasabing abswelto ako pagdating sa mga kalaswaan at sa mga makamundong bagay…
*ang sinuman ang magsasabi diyan na abswelto siya…ayy ang plastik…*
pero swear di ako nanonood ng bold…
well nakapanood ako once…
kasama ko sila julie, revina at si lanie…
pero di ko masyadong kinaya…
graveh..para sa akin mas magandang yung ritwal na yun ay manatili na lamang sa loob ng apat na sulok ng silid…sa pagitan na lamang ng dalawang taong chumuchurva…
pero di ako ganon kaabswelto….
nakakapagbasa ako…
bakit ba…may mata ako…may utak ako…at higit sa lahat..nakakapagbasa ako…
madami niyan mapa tagalog o english na mga romance pocketbook…
meron pa nga akong klasmeyt na yung part lang na yun ang binabasa eh…san ka pa…
naku…sabi nga ni ate diabs..ang sex ay part daw ng needs ng mga tao…
at ayun na rin kay manong abraham maslow sa kanyang theory of hierarchy of needs…ang sex ay need ng mga tao…
pero bakit sabi sa aklat na 40 minutes ba yun? ewan ko di ko na maalala … yung kay pablo or paulo coello…Sex is Boring daw…
nakakalito naman…
Sa pamilya ko naman…
di ko alam kung naging mabuting anak ako para sa nanay at tatay ko…
at mabuting kapatid sa kapatid ko…
at mabuting amo sa mga alaga ko…
ilang beses ko nang napaiyak ang nanay ko…
*sabi ni kapatid sa malutong na rolyo..mortal na kasalanan daw na paiyakin ang nanay sa kultura ng mga muslim…patawad po Allah*
ilang beses ko nang napasama ang loob ng tatay ko…
ilang beses ko nang nasigawan ang kapatid ko…
ilang beses ko nang nakalimutang pakainin ang mga alaga ko…
kapag meron akong hindi gusto nagdadabog ako…
kapag naasar ako di ako kumikibo…
kapag meron naman akong gusto pinagpipilitan ko…
tapos minsan kahit tulog na sila…nagiingay pa din ako…
Bukod diyan…
di ako madalas nagsisimba…*kasalanan ba to?*
di ako nangungumunyon…*kasalanan ba to?*
di ako nagrorosary sa jeep or sa bus kung saan kitang-kita ako ng buong madla…*kasalanan ba to?*
di ako nagsasign of the cross kapag nadadaan ako sa mga simbahan…*kasalanan ba to?*
di ako nagbebless sa mga pari…*kasalanan ba to?*
di ako nagbibigay ng donasyon…*e kung ako nga wala eh..pakaplastik pa ba akong magbigay sa iba*
di ako nagkukumpisal…ilang taon na…*kasalanan ba to?*
pero di pa naman ako pumapatay o nakapatay ng tao…
pero minsan sa sobrang galit ko nasasabi kong sana mamatay na yung taong yun…
pero di pa naman ako sumasamba sa mga diyos-diyusan…
pero minsan sa sobrang pagmamahal ko sa idol ko…to the point na pinagnanasaan ko na…
eh parang ginagawa ko na din siyang dyos ko…ang mundo ko…
di pa naman ako nangangalunya…
wala pa naman akong asawa…
at wala din akong dyowa…
ano pa ba???
di ko na matandaan ang iba…
kung ang isang masamang gawa…
at ang isang mabuting gawa…
ang kapalit at
katumbas ay piso
at…
kung pagsasama-samahin mo ang mga nagawa kong kabutihan dito sa mundo…at ang mga kasamaan…at iaaply natin ang prinsipyo ng right minus wrong…
ano kaya???mabayaran ko kaya ang pagpaprocess ng visa, passport, ticket at ang accomodation ko sa langit???

Ako Ito Part I - Kagandahan

Posted by Binibining Alindogan at 12:28 AM 0 comments

Ako ito…

Mahirap idescribe ang sarili mo… mahirap kasi di pwedeng makapagsulat ka ng bagay na maaring magpaangat sa iyong pagkatao…at higit sa lahat mahirap ilabas ang sarili mong kapintasan…lalong lalo na kung magmumula mismo sa iyo… Hanga nga ako dun sa mga taong nakakapagsulat ng kanilang autobiograhy eh…Biruin mo nagagawa nilang isulat ang laman ng aklat ng kanilang buhay, ng walang masyadong yabang, walang masyadong pagpapaawa..

Para madescribe ang sarili ko..nagtanung-tanong ang kagandahan ko sa mga taong nasa paligid ko…at dahil nais kong malaman ang aking panlabas na kaanyuan tinanong ko sila kung maganda ba ang kagandahan ko…
Una kong tinanong ang mahal kong ina, isang umaga bago ako pumasok sa aking trabaho, nakita ko siyang nagluluto ng aming agahan. Lumapit ako sa kanya at malambing ko siyang tinanong. “Ma, maganda ba ako?”… natigil sa kanyang ginagawa ang aking ina, at walang alintanang sinabi, “OO naman anak”…

Bunsod ng aking kagalakan sa nadinig na papuri, maligaya akong pumasok sa aking trabaho…

Kinabukasan, naabutan ko naman ang aking ama sa aming kusina, nagbabasa-basa ng diyaryo, papaalis na papuntang trabaho… Nilapitan ko siya at tinanong, “Pa, pwede bang magtanong?”, natigilan siya sandali at tumango, “Maganda ba ako?”. Tiningnan ako ng aking ama at tuluyan nang itinigil ang pagbabasa. Lumapit siya sa akin at pinatong ang kamay sa kamay kong nakapatong sa mesa. “Anak, matalino ka… masuwerte kami ng iyong ina…dahil nagkaroon kami ng isang anak na kagaya mo”. Tumingin siya sa akin at sinabi, “hindi nasayang ang mga panahon ng aming paghihirap.. yung mga gabing hindi kami makatulog sa kababantay sayo… hindi kami nagkamali sa pagpapalaki sayo”. Pagkatapos ay tumingin siya sa kanyang relos at nagsabing, “Late na ako anak.. alis na ako…”, at humalik sa aking noo. Naiiyak ako ng mga panahong yun. Hindi pa ako pinuri ng tatay ko ng katulad nun. Ngunit naisip ko na tila di niya nasagot ang tanong ko… at pumasok na naman ako sa aking hanap-buhay…

Kinagabihan, biyernes nun…nakita ko ang kapatid ko na tila hayok na hayok na naglalaro sa aming computer… Hawak ang mouse na tila yaon na ang kanyang buhay.. Lumapit ako sa kanya, tama nga ang hinala ko..naglalaro siya ng Solittaire *sana tama ang spelling ko*…Pagkatapos ng isang madugong paglilipat ng mga baraha na may dalawang kulay at labingapat na klase, tinanong ko ang kapatid ko, “Kapatid, maganda ba ako?”. Natigilan ang kapatid ko, tumingin sa akin mula ulo hanggang paa..mula paa hanggang ulo… mga limang ulit…Tumayo siya at niyakap ako sabay sabing, “Mahal kita ate,,,tandaan mo yan”. Pagkasabi nyaon ay umalis na siya para manood ng paborito niyang palabas.

At hindi na naman nasagot ang katanungan ko…

Kinabukasan, sabado, walang pasok, pahinga ang kagandahan ko… Nakita ko ang kapit-bahay namin na halos kaedad ko, tinanong ko siya, “Kapit-bahay, maganda ba ako?”, natigalgal siya at nagsabing, “Sandali lang ha, may kukunin lang ako…”, paglabas niya may dala-dala na siya… at ayun sa nabasa ko…ang nakasulat sa aklat na dala niya ay, Diksyunaryong Pilipino-Pilipino, Hinanap niya ang salitang ganda, binasa, sinara ang aklat, tumingin sa akin. Pagkatapos ay binuksan ulit ang aklat, binasa at tumingin sa akin… Mga makailang ulit niyang ginawa ang mga nasabing gawain…Makalipas ang ilang sandali, lumapit siya sa akin at sinabing, “Sandali lang tulungan ko munang gumawa ng assignment ang kapatid ko…”, at umalis na siya…leaving my perfect pouty lips on air…leaving my black long hair behind… at naisip ko… walang kapatid si kapit-bahay…

Hindi nasagot ang katanungan ko … walang nagsalita kundi ang aking mahal na ina..kung kaya’t yaon ang aking pinaniwalaan…

Lunes, pumasok ako sa aking trabaho, may natanggap akong 12 e-mails, ang isa ay galing sa aking kamag-aral noong kolehiyo…binuksan ko… at dun ko nakuha ang kasagutan…nagliwanag ang isip ko…namulat ako sa katotohanan:

Ang kagandahan ay Depende sa Katabi…

(unang nilathala sa Malutong na Rolyo, March 07, 2008)

Monday, December 20, 2010

Yummy Recipe

Posted by Binibining Alindogan at 6:08 PM 0 comments
Kagabi...
nagpaka-Jang Geum Mode yung pinsan ko,
pakiramdam niya siya ang Reyna ng Kusina...ang Resulta...
isang katakam-takam na ADOBONG ULING...
Paano ito gawin? Ito ang recipe:

1. Paghalu-haluin lang lahat ng mga ingredients
1/2 kilo pork, cut in cubes
1/2 kilo chicken, cut into pieces
1 head garlic, minced
1/2 yellow onion, diced
1/2 cup soy sauce
1 cup vinegar
2 cups of water
1 teaspoon paprika
5 laurel leaves (bay leaves)
4 tablespoons of cooking oil or olive oil
2 tablespoons cornstarch
Salt and pepper to taste
3 tablespoons water
2. Takpan ang Kaldero or Kawali

3. Merong dalawang paraan upang ganap na makuha ang timplang adobong uling...

Una:

Matulog muna habang nagluluto, at magising na lang kapag yung kapit-bahay mo ay nangangalampag na dahil nasusunog na yung niluluto mo...

Pangalawa:

Makipagkwentuhan sa pinsan mo, o kung sinuman ang available nang tungkol sa kung anuman ang gusto ninyong pag-usapan. Mas mapapasarap ang timpla ng adobong uling kung pag-uusapan niyo ang buhay ng may buhay, laitin ang kakulangan, kahinaan at kapintasan ng ibang tao, pagtawanan ang mga kalokohan mula noong ikaw ay isa pa lamang fetus hanggang sa kasalukuyan o kaya naman ay pag-usapan ang kwento ng AnaKarenina, Mara Clara, Mula sa Puso at Hanggang sa Dulo ng Walang Hanggan, mula sa Pilot episode hangang sa wakas, isama pa ang mga bloopers. Hintayin na matapos ang usapan, o kaya nama'y maubos ang Shellane nyo sa bahay saka hanguin ang niluluto sa kalan...

Paano iserve:

Mayroon dalawang paraan upang iserve ang katakam-takam na adobong uling.

Ang una ay:

Ilagay ang adobong uling sa sizzling plate, lagyan ng pampatakam na kung anu-anong dahon o damo galing sa garden, lagyan ng gas at saka sigaan...

ang pangalawa: 

Ilagay sa pakainan ng aso at manalangin, maghintay na kainin ito ni Bantay...

Nutritional Information 

Carcinogen - nakukuha sa mga sunog na pagkain na pangunahing pinagmumulan ng Cancer

Para sa pinsan ko, ito ang mensahe ko para sayo: alam kong pangarap mong palitan sa trono si Mama Sita, pero sana bago mo matupad ang pangarap mo eh matupad muna namin ang pangarap naming mabuhay ng malusog at matiwasay...

Politikong Genie

Posted by Binibining Alindogan at 7:16 AM 0 comments

Isang ordinaryong araw...Makulimlim at nagbabadya ang isang malakas na ulan...Masaya kasi malamig ang panahon...Walang rason para magmukha akong hagard mamayang uwian...Dahil sa ordinaryo lang ang araw...Nagbus ako...Ganon ulit...Walang nagbago...

Sumakay ako ng bus...at dahil maraming sakay at hindi na uso ang mga gentleman ngayon...walang nagpa-upo sa akin...Swerte na lang na si lola ay bababa sa may Monumento...Nakaupo ako...

Pagkaupo ko...Nagdagsaan na ang mga tao sa bus...Lahat ay pawang mga hayok na makarating sa kani-kanilang mga hanap-buhay...

Ilang saglit pa ay biglang pumailanlang ang walang kamatayang awitin ni Mareng Christina Aguilera...

if you wanna be with me ... lalalalala...I'm a Genie in a bottle you gotta rub me the right way

Parang gusto kong itulak yung manong na nakatayo sa tapat ko at gawin ang Gennie moves...

Pagdating sa GMA bumaba na ako...

Nagtataka ako kung bakit walang tao sa kalsada...wala yung mga taong dati-rati ay nakikita mong nakasuot ng asul na uniporme at masayang tinatayo ang bagong gusali...

Naisip ko baka tapos na...

Pero hindi...

Nasaan na yung mga taong pumipila para makakuha ng cards ng Go Binggo...

Anong nangyari???Nalugi na ba ang GMA???

Pagdating ko sa may sakayan ng tricycle ay may kung ano akong napansin na lumulutang sa ere...

Animo ito dahon na dinadala ng hangin at pababa...pababa...pababa...hanggang ito ay dumapo sa aking magandang mukha...

Tiningnan ko kung ano ang bagay na yun...at nagtaka kung saan nanggaling...

Batay sa aking pagbabasa...ang bagay ay isang leaflets...ng isang politician..kung sino ay hindi ko alam...Vote Genie Pol

yan yung eksaktong nakasulat doon sa papel...

ewan ko ba di pa naman election ang dami nang mga nagkalat na mga publicity ek-ek nila...makapagsumbong nga sa COMELEC...kaso lang nagdalawang isip ako...ang dami na rin kasing nagdaang issue sa kanila pero ni isa ay wala namang nasagot...Mula sa Hello Garci scandal...hanggang sa nakaririmarim na mga poster ni Bayani sa Edsa...

Dahil dito...naghanap ako ng malapit na basurahan..at nagpasyang kuyomin ito at itapon...

Pagkatapon na pagkatapon ko ng bagay ay bigla na lang na may sumabog...uu may sumabog...at nagkalat ang kulay pink na usok na nanggagaling sa basurahan...

hanggang sa masilayan ko ang isang lalaking nakasuot ng kakatwang damit at sumbrero na kulay neon green, magenta at fushia *spelling*

YUCK!!!

yan ang unang reaction ko...ewan ko ba pero dahil sa sobrang tingkad ng kulay niya ay nahilo ako pagtingin sa kanya...

"Hello Master Marlene...Kumusta ka na," ito ang sabi niya

"Ha kilala mo ako???"... balik ko naman

"But ofcourse, Everybody knows everybody" *thanks ish*

"Actually matagal na kitang pinagmamasdan...lagi-lagi kitang nakikitang nagdadaan dito sa lugar na ito...at sa lahat ng dumadaan dito ay ikaw lang ang tanging nagcaught ng aking attention...lagi kitang nakikita...nagmamadali...halos magsplit ka na sa kalsada dahil gamit na gamit mo ang lahat ng muscles ng paa mo...magulo ang buhok mo...na parang di sinuklay...at minsan pa...kahit pasukan pa lang...parang uwian na kasi hagard ka...at min–"

"Sandali nga...Bakla ka ba? Ayos ka mangokray ah...feeling mo ba close na tayo?" ito ang naiiritang sagot ko sa kanya...

Ngunit parang walang narinig ang hitad at patuloy pa rin sa kanyang litanya...

"Well, dahil sa itinapon mo sa tamang basurahan ang leaflets na pinagkulungan sa akin sa loob ng isang-daang taon at napakawalan mo ako mula sa isang kahindik-hindik na sitwasyon ay bibigyan kita ng tatlong kahilingan..ako ay–"

Napigil ang sasabihin niya dahil sumagot ako. "Sandali, sandali, sandali...alam ko na yan...alam na alam ko na yang mga banat na ganyan...alam ko ang balak mo...Sasabihin mo sa akin...Pero bago ko tuparin ang tatlo mong kahilingan, eh kailangan muna kitang halikan...tapos pagiinteresan mo ang pagkababae ko...tapos pagtapos mo nang gawin ang nakaririmarim mong pakay...ay sasabihin mong, ilang taon na ako pero naniniwala pa rin ako sa mga ganyang panloloko, tapos –"

"Teka lang...teka lang...neng...Genie ako ah..Genie ako...Pero Genie man ako..May Taste ako 'day..–" ang sagot niya sa aking hinaing...

"yun na nga eh...genie ka nga...at may taste ka...kaya gagawin mo yun" *thanks dalj*

"O sige para maniwala ka...hiling ka..yung madali lang...sample lang"

"Yung madali lang? O sige pagandahin mo ako!"

"day...anong sabi ko sayo? di ba Genie ako? Hindi ako si Vicky Belo, yung madali lang"

"O sige na nga...ice cream...gusto ko ng isang galong ice cream"

"isang scoop lang day..."

At lumabas nga ang icecream sa aking mga kamay...Magic ito...

Habang ninanamnam ko ang icecream na kinakain ko at tinuloy niya ang kanyang litanya

"Inuulit ko, bibigyan kita ng 3 kahilingan...Isa akong Politikong Genie, kung kaya't sa bawat hiling mo ay magkakaroon ng doble ang lahat ng POLITICIAN...dito sa PINAS..."

Bigla akong napakislot..."Teka lang...ano ba yun? sino ba ang nakapulot at may pagmamalasakit kay mother nature dito? di ba ako? wala naman silang ginawa ah? bakit kasama sila sa biyaya ng langit? ang daya naman"

Ito ang sagot niya, "sino ba ang Genie dito? di ba ako? so sumunod ka na lang...and be careful of what you wish for"

Napaisip ako...ayos na rin to...biglaang yaman at swerte ang hatid nitong baduy na politikong genie sa aking life...

"O sige, ang unang wish ko ay magkaroon ako ng isang Milyon...Dolyar ha?"

Iwinagayway ni Genie ang kanyang kamay at nagsabing "paalala lang...lahat ng mga politician ay magkakaroon ng dalawang milyong dolyar"

Gusto kong maiyak ng oras na yun...malamang sa malamang ay maraming magdidiwang na politician ngayon...pero nawala ang agam-agam nang makita ko ang limpak-limpak na salaping nasa harap ko...bigla akong napatingin sa paligid..baka may makakita at kidnapin ko...nakakapagtaka pa ring walang tao sa paligid...

"Ang ikalawa kong kahilingan ay magkaroon ng Hammer..." matagal ko nang pangarap ang magkaroon ng Hammer...at ngayon ay matutupad na...Joyride ito...

"Isang Hammer sayo...at Dalawa sa Bawat isang Politician..."

Nakita ko ang pangarap kong Hammer sa tabi ko...iniimagine ko na kung paano ko itong dadalhin papuntang office..Pehadong luluwa ang mga mata ng mga officemate ko...Ang problema lang ay hindi ako marunong magdrive...

"At ano ang panghuli mong kahiligan..Master..."

Nag-isip ako...parang sobra sobra na ata...sa ngayon eh nagnakan na ng yaman yung mga kurakot na mga politician sa earth...at dahil na rin hindi naman nanggaling sa kung saang negosyo ay hindi ito mapapatawan ng tamang buwis...kay saklap...

Biglang may nagilaw ang aandap-andap ko nang utak...

Ngumiti ako ng ubod ng tamis kay Genie...

Ngiting halos pumunit na sa maganda kong mukha...

"Dati pa...pangarap ko nang magdonate ng kidney sa mga nangangailangan"

*genie joke: adapted from readers' digest*

People of the World vs. Mr. Problem of Agony Company

Posted by Binibining Alindogan at 7:05 AM 0 comments


Ako si Binibining Alindogan Magpayo. Pwede mo akong tawagin sa kahit na anong gusto mo. Pwedeng Ally, wag na wag lang Doggie.Sabi ng mga ultra mega hyper close and best friend ko, bagay na bagay daw sa akin ang pangalan ko, Unang-una Alindogan dahil sa pambihirang kagandahan at naguumapaw kong sex appeal (*sumangayon na lang kasi*), at Magpayo dahil sa ako lang naman ang official adviser, principal, guidance counselor, ate, nanay, tita at lola ng mga katropa ko.

Isa daw akong dalubhasa at henyo pagdating sa ibat'ibang bagay. Para bagang nag-take ako ng kung anu-anong masteral and doctoral degree na may kinalaman sa love, family, relationship,emotion, at kung anu-ano pang mga aspeto at elemento ng magulong bagay na tinatawag nilang LIFE o BUHAY.

Maaring dala ito ng kung anu-anong aklat na nababasa ko na tungkol sa pag-ibig, misteryo at katatawanan. Lagi akong nakakahanap ng kung anu-anong eksplinasyon na maaring ugat at kahihinatnan ng kanilang mga ginawa, ginagawa, at gagawin.

Nagsisilbing resources ko ang mga teyorya, formula at standard ang mga naisulat ng mga manunulat na maaring ginamit ang kanilang personal na karanasan o karanasan ng mga taong malalapit sa kanila, upang makabuo ng kanilang istorya na makapupukaw sa mga taong katulad kong umaasa sa aklat upang malaman kung ano ang maaring maibigay ng mundo.

Maaring nakabisado ko na ang lahat lahat at iba't-ibang teorya ng iba't-ibang panulat na nabasa ko na.
Lagi kong pinapayo at sinasabi kung ano ang sa akala ko ay TAMA *tama na base sa pamantayan na tinaguyod at sinuksok sa utak natin ng mga lipunan at kultura.

Sa tuwing naglalabas ang mga kaibigan ko sa akin ng kanilang sama ng loob at mga suliranin, lalong lalo na kung ito ay may kinalaman sa pag-ibig ay hindi ko maiwasang ikutin ang aking mga eyeball at ibulalas kung gaano kaliit ang problema nila.

Lagi kong sinasabi na may mas malaking kinahaharap ang mundo gaya ng global warming, global financial crisis, mababang education standard sa Pinas, pagmahal ng bigas at harina, pagdami ng unemployment rate at higit sa lahat ay ang melamine sa gatas.

Sa maikling salita, palagian akong nakahahanap ng lusot upang sabihin sa kanila na maganda ang bukas, may pag-asa ang lahat, maganda ang mundo, may pag-asa ang world peace at mahal na mahal tayong lahat ni Lord *totoo naman*

Pero iba pala kapag ikaw na yung nasa posisyon nung pinapayuhan, humihingi ng payo at nasa ilalim ng gulong ng buhay.

At kung saka-sakaling naririnig ko ang sarili ko ngayon na nagbibigay sa akin ng mga payong yun ay dalawang bagay lang ang gagawin ko...iiwan siya at hindi papansinin o kaya nama'y sisigawan at sasabihing "BOBA!!!WALA KANG NALALAMAN...HINDI SA LAHAT NG ORAS AY NASA AKLAT ANG KASAGUTAN...TUMAHIMIK KA!!!", at the top of my lungs.

Ibang-iba pala kasi talaga kapag ikaw na yung nasa sitwasyon, yun bang isang araw may tatawag na lang sayo...pag-angat mo ng phone ito ang ibubungad sayo:

"Hi, this is Mr. Problem of Agony Company, I am happy to welcome you in our team. Please report tomorrow morning. We are located at:000 Confusion StreetTears BuildingGrown-up City
you can also check our website: www.youareproblematic.com.ph"

Do you have any question?"

tapos sabay baba...dial tone na lang ang maririning...

toot toot toot...

gusto mong magtanong...

tanungin kung kelan ka nag-apply o nagpadala ng resume, biodata or kung nagpost ka ba sa JOBSTREET. pero walang sagot...

puro pagsisisi...

Tapos kinabukasan magrereport ka. Makikilala mo si Mr. Problem, at malalaman mo na sa araw na yun ay makikilala mo pa ang buong angkan ni Mr. Problem, darating si Mrs. Problem, Little Miss and Mr. Problem, at malalaman mo na si Mrs. Problem ay nagdadalang-tao...

Di mo na alam ang gagawin. Nalilibutan ka ng napakaraming paper works at di mo alam kung saan magsisimula at masaklap pa nito'y di mo alam kung kelan magtatapos o kung may katapusan nga ba.

Sa mga oras na yun, manhid ka na. Wala ka nang maiisip na iba kundi ang sarili mo at kung sino pang mga taong mahal mo at importante sayo. Wala ka nagng maririnig na hinaing at hikbi kundi ang sakit, hapdi, kirot at paghihirap ng iyong puso, damdamin at ang unti-unting pagkasira at panghihina ng pag-katao mo. At higit sa lahat, ni hindi mo na nanaising makialam sa panlabas at malawakang suliranin sa kadahilanang makadaragdag lamang ito sa iyong dinadala. Kahit na nga ba alam mong apektado ka din ng pandaigdigang pagbabago.

Di mo mamamalayan na meron pang ibang kagaya mo na kasalukuyang tinatawagan ni Mr. Problem para magreport sa office niya at gampanan ang posisyon na mas mataas pa kesa sa posisyon mo sa Agony Company. At di ka na rin aware na meron pang ibang mga taong nagsisipagtrabaho sa Agony Company sa ibang department at branches, habang ang iba ay maituturing nang REGULAR employee.


Hiling

Posted by Binibining Alindogan at 6:56 AM 0 comments
Ang tulang ito ay ginawa ko bunga ng katuwaan lang ahehe...ito ay hango sa isang tulang English na nabasa ko sa crossroad ng UCC...Alay ito kay Angel - the Bad Gay...


Sana'y wala na lang akong mata
Upang maputol ang pantasya
Dahil sa tuwing ika'y makikita
Mundo ko'y nag-iiba

Sana'y wala na lang akong ilong
Upang mapigil ang damdamin sa pagsulong
Dahil sa tuwing tayo'y magkakasalubong
Puso ko'y kinukulong

Sana'y wala na lang akong tenga
Upang paghanga ay humupa
Dahil sa tuwing naririnig ka
Puso ko'y puno ng kaba

Sana'y wala na lang akong balat
Upang nadarama'y tumigil sa pagkalat
Dahil sa tuwing ika'y masasalat
Parang mawawalan ng ulirat

Sana'y wala na lang akong puso
Upang mapigil ang pag-ibig sa pagbugso
Dahil sa bawat daloy ng dugo
Pagmamahal ko sayo'y tumutubo

 

Binibining Alindogan Copyright © 2010 Design by Ipietoon Blogger Template Graphic from Enakei