Wednesday, March 30, 2011

Maikling Kwento (Pakpak ng Pag-ibig *hahaha*)

Posted by Binibining Alindogan at 6:35 PM 0 comments
  
You’re my everything”
Krista’s eyes they drown in tears.

Natigil ang pagbabasa ni Magdala nang tumunog ang kanyang cellphone.

“Beep-beep”

A message from Rose:

Sis, I’m sorry, hindi ako makakarating today, June called me up, he’s sick, walang tao sa kanila, so ako na muna mag-aalaga sa kanya. Love yah!

<end>

Tinitigan ni Magdala ang kanyang cellphone sa mahabang panahon, hanggang sa mapagod ang kanyang mga mata na kanina pa hindi kumukurap.

Muli niyang binalik ang cellphone sa mesa, inayos ang pagkakalagay ng bookmark sa nobelang kanyang binabasa, at parehas na nilagay nang maayos sa kanyang dala-dalang bag.

Tiningnan niya ang kanyang paligid. Nakapang-hihinang katahimikan ang maririnig – habang parang bombang dumadagundong sa kanyang tenga ang tibok ng kanyang puso, payapang pagpasok at paglabas ng hangin ng buhay sa kanyang ilong at dibdib. Gusto niyang maiyak, pero wala siyang karapatan, at hindi tama – kailangang maging masaya siya para sa mga kaibigan.

Ang silid na kinaroroonan niya ay ang mundo, paraiso at sanktuaryong tinayo ng kanyang mga kaibigan – sina Amor, Mae, Rose at siya. Apat na magkakaibigang sumumpang magiging abay sa kani-kanilang kasal, magiging ninang ng mga anak at maisusulat ang pangalan sa ribbon sa kabaong sa oras ng kamatayan. Ang silid na ito ang mundo kung saan natutupad ang kanilang mga pangarap – nakalimutan niya ang salitang dati.

Ang nasabing silid ang base ng kanilang grupong bitterness club – samahan ng apat na babaeng walang magawa sa buhay – kundi magbasa ng mga nobelang ang pangunahing sangkap ay – PAG-IBIG. Sa tuwi-tuwina ay nagtitipon ang apat sa silid na iyon na nakatayo sa isang matanda at malaking puno sa may tapat ng isang sapa – paraiso sa mga taong tulad nila na nawala na ata ang kapit sa tunay na mundo.

Sa loob ng silid na ito ay puro happy ending, bulaklak, halakhak, luha…Mundong nagiging sangga nila sa mundong punong hindi perpekto, puno ng galit, at sa mundong walang katapusan, walang happy ending – kamatayan lang ang konklusyon ng lahat.

Masaya sila, Oo masaya sila. Sa mahabang panahon ay masaya sila – na silang apat lang. Lahat ay takot sa pagbabago. Ngunit, ang pagbabago ay hindi maiiwasan.

Dumating ang araw na hindi na halos nakakasama si Amor sa kanilang mga lakad. Sabi nito ay abala daw siya sa mga bagay-bagay. Hanggang isang araw, dumating ito sa kanilang mundo kasama ang isang lalaki – si Christian. At naging malinaw sa kanilang lahat ang dahilan ng kanyang pagiging abala. Tumubo na ang kanyang pakpak – at handa na siyang lumipad – lumipad palayo sa mundong tinayo nila para sa kanilang apat.

Lalo nang nawalan ng panahon si Amor para sa kanila. Nagkaroon na ito ng mga bagong kaibigan – kaibigan at kapamilya ng lalaki ng buhay niya.

Kaya nagulat ang magkakaibigan nang dumating isang araw si Amor na luhaan – nakita niya daw ang lalaking may kasamang ibang babae sa isang establisyemento sa bayan.

Nakita nilang tatlong magkakaibigan kung papanong halos kapusin na ng hininga ang kanilang kaibigan dahil sa pagluha at pagtangis sa lalaki. Nang oras na iyon, sumumpa ang tatlo – si Mae, Rose at Magdala, na hindi kailanman iibig, para hindi mabigo, para hindi lumuha, para hindi magtangis.

Ilang araw ding nakasama nila si Amor, ngunit hindi na ito katulad ng dati, matamlay, tulala at parang naglalakad na patay. Pagkalipas ng ilang araw ay hindi ulit nagparamdam ang babae – hanggang sa dumating ito ulit sa kanilang mundo, kasama si Christian – masaya, maligaya at kontento, buhay na siya ulit. Nagkamali lang pala si Amor, nagpadala lang ito sa kanyang hinala, ang kasama ni Christian nung panahon na iyon ay ang kanyang nakababatang pinsan.

At simula noon ay nagbago na ang lahat. Tuluyan nang naglaho si Amor – hindi na ata alam ang daan patungo sa mundong ginawa nila. Malaya na siyang lumilipad kasama ng ibang mga taong nahanap ang tunay na mundo.

“Ayos lang ang lahat,” yan ang laging sinasabi ni Magdala.

“Tatlo pa tayo,”

Ngunit, at tatlo ay naging dalawa, nang dumating ang isa na namang kinatatakutan niya, katulad ni Amor, nakita na din ni Mae ang kanyang pakpak – dumating ito isang araw, pagkalipas ng ilang linggong hindi pagdalaw, na kasama si Ed. Katulad ni Amor, kitang-kita mo ang ningning ng kanyang mga mata at tamis ng kanyang mga ngiti.

“Ayos lang ang lahat,”

“Dalawa pa naman tayo…”

Ngunit ngayon, dumating ang panahon na kinatatakutan niya. Siya na lang ang nag-iisang hindi pa natatanggap ang mga pakpak at hindi kayang labagin ang batas ng gravity. 

“Ayos lang yan, andyan ka pa naman…”

Isang mahabang buntong-hininga ang pinakawalan ni Magdala upang tapusin ang kanyang pagbabalik-tanaw. Kinuha niya na ang kanyang bag, akma na siyang aalis nang biglang may pumasok sa silid.

Niluwa ng kurtinang – nagsisilbing pintuan ang pamilyar na pigura – si Simoun. Ito ang nakababatang kapatid ni Amor. Katulad ng dati ay nakadikit na naman sa mukha nito ang ngiting, animo sinag ng araw na nagpapaliwanag ng kadiliman. Dala-dala din nito ang kanyang buhok na alun-alon na animo’y kagagaling lang sa malalim na pagtulog. Gusto niya itong lapitan, at ayusin ang magulong buhok gamit ang kanyang mga kamay.

“O, anong ginagawa mo dito?”

“Kain tayo,” hindi nito sinagot ang tanong ni Magdala, bagkus ay ipinakita nito ang dala-dala niyang pagkain. Walang sabi-sabing inayos nito ang dala-dalang baon sa mesang nasa harap ng dalaga. Pagkatapos ay iginiya siya nito patungo sa upuang nasa harap ng kinauupuan nito.

“Kain na!” nang-iinganyong tinig nito bago harapin at higupin ang sabaw ng maming umuusok-usok pa.

Hindi napigilan ni Magdala ang sarili at pinadaan ang kanyang mga palad sa buhok ng lalaking abala sa paghigop ng sabaw ng maming ngayon ay humahalimuyak na sa silid, nangingibabaw sa amoy ng mga tuyong dahon, at sariwang dahon na nagkalat sa ibaba ng puno.

“Nami-miss mo na ang ate mo no?”  sabi ng dalaga, habang patuloy pa rin sa paghaplos ng ulunan ng binata. Isang taon na rin kasi ang nakalilipas nang magdesisyun na na manirahan si Amor at ang, ngayon ay asawa na nitong si Christian sa Canada, doon na ito maninirahan.

Nagulat si Magdala nang biglang hawakan nito ang kamay niyang nasa ulo nito, at titigan siya nito. Nanatiling magkasiklop ang kanilang mga kamay sa ibabaw ng mesa.

Ngiti lang ang sinagot ng lalaki sa kanyang tinuran. Bilang sagot ay ipinatong muli ng dalaga ang kabilang kamay sa ulo nito – animo naglalambing sa nakababatang kapatid – kung hindi man sa aso.

“Nami-miss mo na nga siya…Huwag kang mag-alala masaya naman siya…” muli, hinawakan ng malayang kamay nito ang kamay na nasa ulo niya, nilapag sa mesa ang magkasiklop pa ring kamay habang hindi tinatanggal ang tingin sa kanya.

“Makukulong ka ba kung aamimin mong hindi ka masyadong masaya sa kasiyahang tinatamo ng taong mahal mo?” matalinghagang tanong nito, sa seryosong tinig, seryosong tingin.

Nalilitong tumigin ang dalaga sa binata, ngunit sa kaloob-looban niya ay nakadama siya ng konsensya? – hindi pakiramdam na para bang sa kinahaba-haba ng panahon ng pagtatago ay may nakaintindi na sa kanya.

Para siyang isang daga na matagal na nakulong sa loob ng madilim na aparador. Nginangat-ngat lang ang kung anong meron sa loob ng apat na sulok ng aparador na nakandado, hanggang isang araw dumating ang panahon na dumating ang taong magbubukas ng aparador na iyon, para linisin ang lahat ng mga bagay na nakakalat sa loob.

Kitang-kita ni Simoun kung papaanong nagbago, at nagpalit-palit ang emosyon sa mukha ng babaeng nasa harapan niya. Mula sa pagngiti, pagkailang, pagkagulat at pagkakaintindi – hanggang sa makita niya ang pagkibot-kibot ng mga labi nito, sensyales ng paparating na luha.

Sabi nga ni Albert Smith:

Tears are the safety valve of the heart when too much pressure is laid on it.

“Hindi.”.Hikbi. “Ma – saya ako.” Hikbi. “Promise.” Paputol-putol na sabi ni Magdala.

Napilitang bitiwan ni Simoun ang kanang kamay ng dalaga para kunin ang kanyang panyo upang punasan ang ngayong naguunahan luha at sipon sa mukha nito.

“Pero?” malambing na tanong at pagpapatuloy ni Simoun.

Hikbi. “Pero.” Hikbi. Hikbi. Hikbi. Hikbi. “Pe - - - - ro.” Hingang malalim.

Nangingiting hinigpitan ng binata ang kamay niyang nakahawak sa kaliwang kamay ng dalaga, habang patuloy niyang pinupunasan ang mukha nito gamit ang panyo niya, habang pinupunasan din ng dalaga ang mukha niya gamit ang malayang kamay nito.

“Pero, pakiramdam mo, iniwan ka nila, at ngayon ay nag-iisa ka na lang. Pakiramdam mo ay wala na yung dati ninyong pagkakaibigan – hindi ka na nila kailangan, dahil sa masaya na sila sa piling ng mga lalaking mahal nila.” Mahinahong pagpapaliwanag ng binata habang ilang ulit na pinisil-pisil ang kamay ng dalaga.

Mabilis na tango lang ang ginawa ng dalaga. Patuloy pa rin sa pagpunas ng kanyang mukha.

Ang araw na iyon ay ang araw na may pinakamaraming iniluha ang dalaga. Ilang taon din niyang tiniis ang sakit at paghihirap na nararamdaman niya sa kaloob-looban, hinanakit na hindi niya gustong maramdaman sa mga kaibigan, na lalo lang nagpapahirap sa kanyang nararamdaman.

Lumipas ang mga araw. Mga masasayang araw.

Hindi tulad ng dati, hindi na nag-iisa si Magdala sa loob ng mundong binuo nilang apat na magkakaibigan. Sa tuwi-tuwina ay kasama niya si Simoun. Pagkatapos ng trabaho niya, at maging sabado at linggo.

Pakiramdam ni Magdala ay nakapagdala siya ng bagong tao sa kanyang mundo.

Sa mundong – ang lahat ay may happy ending.

“Hoy! Sino ang nagbabantay ng shop mo, lagi kang andito?”

“Eh, andun naman si Andoy, at saka may ibang tauhan dun, wag mong alalahanin yun.” Sagot ni Simoun, gamit na naman ang nakasisilaw nitong ngiti. Abala ito sa pagtingin ng mga magazine, habang nakasalampak sa lapag.

“Eh, ikaw? Lagi ka na lang andito, paano mo pa napagkakasya ang oras mo sa pagaasikaso ng mga ituturo mo sa mga estudyante mo, at dyan sa pagbabasa ng mga kung anu-anong libro?” si Magdala ay ang pinakabatang guro sa pampublikong paaralan sa kanilang baryo.

“Ha? Hindi ah, naga-update ako ng mga lesson plan ko” Natigilan ang dalaga.

Ilang araw na nga ba ang nakalilipas na panay lesson plan o kaya ay mga gawain niya sa paaralan at mga estudyante niya ang pinagkakaabalahan niya?

Ilang araw na nga bang pansamantala niyang nakalimutang magbasa ng mga nobelang itinuturing niyang buhay.

Ilang araw na nga ba na hindi niya inaasam na makapagbasa ng mga salita at kilos na dati ay nagiging dahilan ng kaligayahan niya, at pinagmumulan ng enerhiya niya.

Ilang araw na nga ba?

“Simula ng…”

Tinigilan ni Magdala ang pag-iisip. Pilit na pinagpag ang anumang bagay na hindi nararapat.

Nagulat na lamang ang dalaga nang maramdaman ang pagkilos ni Simoun – papaupo sa upuang nasa tabi niya sa harap ng mesa.

“Good girl”

“Ha?”

Muli, nakasisilaw na ngiti mula sa lalaki.

“Mabuti kamo yan, hindi yung puro ka na lang basa ng mga nobela, welcome to the real world!” Eksaheradong sabi ng lalaki.

Ismid lang ang sinagot ng dalaga, at nagpatuloy sa kanyang gawain. Ngunit, hindi katulad dati, ay nakakaramdam siya ng tensyon dahil ramdam niya ang tinig na ipinupukol ng lalaki sa kanyang gilid.

“Teka nga pala, andito ka dahil sabi ng ate mo no? Nag-aalala ba siya sa akin? Hayaan mo na kamo, maayos na ako, salamat sa kapatid niya.” Pagpapaliwanag ng dalaga, sabay tapik sa balikat ng katabi.

Nakasisilaw na ngiti lang ang sagot ng lalaki.

“Bumaba ka na dun sa inyo, asikasuhin mo ang shop, yung mga kaibigan mo malamang nami-miss ka na nun, at saka, ang nobya mo, baka napapabayaan mo na.”

Ang ngiti ng binata ay napunta sa isang kaiga-igayang halakhak.

Tumingin ang babae sa binata.

“Sa lahat naman ng taong mahilig magbasa ng mga ito – ” sabay turo sa mga aklat na nakasalansan sa may mesa at isang maliit na tukador sa gilid.

“ – ikaw lang ang parang walang natutunan” Nagnining-ning ang mga mata nito.

Tulala.

Matagal na walang kurap na nakatingin si Magdala sa lalaki. Kurap. Kurap. Kurap.

Nang dumating ang panahon ng pagkakaintindi ay literal na nanlaki ang kanyang mga mata. Bumuga ng hangin sa kanyang bibig.

Nagaalangan ngiti at tango ang sinagot ng lalaki.

“HINDI!” pasigaw na sambit ng babae.

Nangunot ang noo ng lalaki.

“Bakit?”

Iling. Iling. Iling.

“For Pete’s sake, mas matanda ako sayo!!!”

“Oo, ng dalawang taon. At saka ano naman kung mas matanda ka sa akin kahit ng sampung taon o bente man?”

Iling. Iling. Iling.

Biglang tumayo ang dalaga, umatras, palayo ng konti sa binata.

Hingang malalim.

“Bestfriend kami ng ate mo, at ate ang turing mo kina Mae at Rose. Goodness, ano na lang ang sasabihin nung tatlo, lalo na ni Amor. Nila tita? Nila mama? Ng buong baryo?”

“The hell with them! Wala akong pakialam. Alam ko matutuwa sila ate, sila mama at sila tita. Kilala nila ako, kilala ka nila, alam nilang nasa mabuti tayong kamay parehas.”

Iling. Iling. Iling.

“Pero bakit ako?”

“Bakit hindi ikaw?”

“Dahil ate mo ako”

“Hindi kita kailanman tinawag na ate.”

“Nakakahiya, mas bata ka sa akin. Dapat mas matanda ang lalaki sa babae. Dapat – ”

“Damn! I hate that word. Dapat, puro dapat. Huwag kang magpakain diyan sa pamantayan na ginawa gamit yang mga basurang libro na yan. Iba ang tunay na buhay! Hindi ka karakter lang ng kung sinong manunulat na may malikot na isipan. Ikaw mismo ang may hawak ng papel at lapis na susulat ng kapalaran mo. Ito ang tunay na mundo! Hindi lahat kailangang maging komplikado para maging maganda ang takbo ng kwento!”

Pakiramdam ni Magdala ay para siyang mansanas na ginamit na ilang ulit na tinamaan ng kutsilyo mula sa majikero. Para siyang isang bagong panganak na agila na ilang buwan ding napasailalim ng pagaalaga ng kanyang butihing ina – pinakain, pinainom at pinagsanggalang mula sa ibang mga hayop sa gubat. Pero ngayon – pero ngayon – nagsisimula na siyang matutong lumipad.

Oo natagpuan niya na rin sa wakas ang kanyang pakpak.



 

Binibining Alindogan Copyright © 2010 Design by Ipietoon Blogger Template Graphic from Enakei